Ingat sa putlang nakamamatay! DOH, nagbabala laban sa hindi awtorisadong glutathione at stem cell treatment

Kung pagpapaganda lang ang nais, sinabi ng Department of Health na siguraduhing rehistrado ang mga klinikang pupuntahan at awtorisado ang mga produktong gagamitin. Kung hindi, disgrasya ang maaaring sapitin.

Nagbabala sa publiko ang Department of Health (DOH) laban sa pagtanggap ng intravenous (IV) glutathione at stem cell treatment mula sa mga klinikang hindi rehistrado o awtorisado.

Iyan ay matapos napabalitang may babaeng namatay sa Quezon City dahil sa mga kumplikasyon mula sa stem cell treatment.

Sa isang press briefing nitong Martes, Enero 16, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na hindi aprubado ng Food and Drug Administration ang mga intravenous glutathione.

“Off-label use at illegal po ang paggawa niyan. At ito na ang nakita natin na ito na ang pwedeng rason, pagkamatay,” aniya.

Dagdag niya, mayroon naman stem cell therapy sa bansa, subalit may mga regulasyon at patakaran sa tamang pagbibigay nito—at isa na rito ang pagtanggap ng nasabing treatment mula sa mga rehistradong klinika.

“Para hindi kayo mauwi sa morgue dahil sa inyong pagpapaganda o pagpapabata, i-check po sa website ‘yung listahan ng mga stem cell clinic na lisensyado. ‘Pag wala sila doon sa listahan, ‘yan ay illegal,” giit ni Herbosa.

Ayon rin sa kanya, karaniwang may ugnayan ang mga stem cell clinics sa mga malalaking ospital dahil kumplikado ang proseso ng stem cell therapy.