Ingat sa mga scammer! 7 indibidwal na nagtangkang magbenta ng lupa gamit ang pekeng titulo, nasakote ng NBI sa Dagupan

Natuklasan ng complainant na ang tunay na may-ari ng lupa ay nasa Estados Unidos, at ang ibinigay sa kanyang titulo ay peke.

Arestado ang pitong katao sa Dagupan matapos magbenta ng lupa gamit ang pekeng titulo, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Ikinasa ng mga operatiba ng NBI ang isang entrapment operation matapos lumapit sa kanila ang isang indibidwal na na-budol ng isang grupo para bilhin ang lupang may peke na titulo.

Nasakote ng mga operatiba sina Corazon Langit Idio Villedo, aka “Lourdes Tan”, Rogelio de Guzman Martinez, Cornelio Velasquez Mejia, Danilo Andaya, Bernard Tandoc, Sonny Fernandez, at Arturo Castro.

Tinangka nilang ibenta ang isang 378-sq.m na lupa sa Calasiao, Pangasinan na nakatitulo sa isang nagngangalang Lourdes V. Tan sa halagang P3 milyon.

Nang magsiyasat ang complainant sa titulo, nalaman nitong ang tunay na may-ari ng lupa na si Lourdes V. Tan ay nasa Estados Unidos, at ang titulong ibinigay sa kanya ay peke.

Nahaharap sa kasong estafa at iba pang kaugnay na krimen ang mga suspek.