Ingat sa budol finds! Kababaihan ang kadalasang biktima sa mga cybercrime

Sinabi ng isang eksperto sa programa ng Philippine Commission on Women na mga babae ang “most vulnerable” sa cybercrimes na gaya ng scamming at hacking.

Mga babae ang “most vulnerable” sa cybercrimes na gaya ng scamming at hacking.

Iyan ang isa sa mga pangunahing tinalakay na usapin ng isang eksperto sa programang “Tinig ng Kababaihan ng Philippine Commission on Women” nitong Biyernes, Setyembre 22.

“Paboritong target ng mga cyber criminals ang mga kababaihan dahil ang mga kababaihan ay mas gumagamit ng mga online platforms sa shopping, paying bills and work from home,” paliwanag ni Thelma D. Villamorel, chief ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Critical Infrastructure Evaluation and Cybersecurity Standards Monitoring Division.

Iprinisinta rin sa nasabing programa ang mga resulta ng National Information and Communications Technology Household Survey (NICTHS) at ng Women and Information Communications Technology Development Index (WIDI) na nagpapakitang tumaas ang bilang ng krimen sa kababaihang laging gumagamit ng cellphone at computer.

Dagdag pa ni Villamorel, pinakamalimit na kaso ang online scamming, at kabilang rito ang identity theft, ATM at credit card fraud, at cyber-threat.