Ingat rin sa mga scammer na Italyano! P39 milyon na recruitment fees, natangay ng mga scammer sa 33 OFWs sa Milan, ayon sa konsulado

Bumuo ng isang task force na tututok sa isyu ang Italian federal government sa Milan, at hinikayat ng mga opisyal ang iba pang mga biktima na lumapit sa konsulado ng Pilipinas para sa libreng tulong legal.

Nakikipag-ugnayan na ang Philippine Consulate General sa Milan sa mga awtoridad sa Italy para imbestigahan ang isang malawakang recruitment scam na bumiktima sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa bansa.

Ayon kay Consul General Elmer Cato, nakasama niya sa pulong si Prefect Renato Saccone, ang pinakamataas na kinatawan ng Italian federal government sa Milan, noong nakalipas na buwan kung saan idinulog niya sa opisyal ang mga reklamong natanggap ng konsulado.

Aabot sa P39 milyon ang halagang nawala mula sa 33 Pilipinong manggagawa, matapos sila makipagtransaksyon sa dalawang ahensya sa Milan na nangako ng trabaho para sa kanila sa Italy.

Humingi ng tulong si Cato kay Saccone na tukuyin kung tunay ang mga work permits na nakuha ng mga Pilipinong nagrereklamo. Nang malaman na peke ang mga dokumento, ipinagutos ni Saccone ang pagbuo ng isang task force para tulungan ang mga Pilipinong nabiktima ng recruitment scam na makapagsampa ng kaukulang kaso.

Nangako na rin ang Department of Foreign Affairs (DFA) na magbibigay ng tulong legal para sa mga biktima, kasama ang mga abogadong Italyano na magsusulong ng kanilang kaso.

Hinikayat ni Cato ang iba pang biktima na magtungo sa konsulado sa Milan upang matulungan ng gobyerno, sa pamamagitan ng DFA.

Umakyat na sa 51 ang mga biktimang lumapit sa konsulado noong Lunes, Oktubre 2, ayon kay Cato.