Ingat po sa budol, mga ma’am, ser! DepEd, pinag-iingat ang mga guro, publiko sa ‘labas casa’ scam

Pinag-iingat ng Department of Education (DepEd) ang mga guro, at sa publiko na rin, sa tinatawag na “labas casa” or “assume balance/loan accommodation scam,” na umano'y marami nang nabibiktima.

Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa mga guro, at sa publiko na rin, na mag-ingat sa tinatawag na “labas casa” or “assume balance/loan accommodation scam.”

Paliwanag ng DepEd, kukumbinsihin ng mga scammer ang isang guro na mag-apply para sa car loan kapalit nang mapagkakasunduang halaga na kasama ang diumano’y downpayment ng kotse. Mangangako rin umano ang mga kawatan ng passive income sa isang transport network service. Agad naman nilang iiwan ang biktima matapos ma-approve kuno ang loan at tatangayin na ang pera.

“In cooperation with law enforcement authorities, DepEd found out that there are 29 cases currently filed against the perpetrators of this fraudulent scheme that originated in Pampanga, according to a recent investigation,” paliwanag ng DepEd.

Hinala ng ahensiya, may mga kakilala ang mga scammer na car dealers at empleyado ng bangko na kasabwat nila upang maisakatuparan ang pangloloko.