Ingat po, mga kabayan! Higit 1K na Pilipinong nakatira sa Ishikawa Prefecture sa Japan, ligtas sa lindol—DFA

Batay sa paunang ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), ligtas ang tinatayang 1,300 Pilipino na nakatira sa Ishikawa PRefecture matapos itong yanigin ng isang 7.5 magnitude na lindol nito mismong Bagong Taon.

Ligtas ang tinatayang 1,300 na Pilipinong nakatira sa Ishikawa Prefecture sa Japan matapos yanigin ng isang 7.5-magnitude na lindol ang Wajima.

Iyan ay ayon sa paunang ulat ni Usec. Eduard de Vega ng Department of Foreign Affairs (DFA). Aniya, nakipag-ugnayan na sila sa Filipino community sa nasabing lugar, at wala namang napaulat na nasaktan.

Dagdag ni de Vega, sumunod naman agad ang mga Pilipino roon sa abiso ng lokal na pamahalaan ng Ishikawa na lumikas muna ang lahat at iwasan ang mga napinsalang daan at tulay.

Kaugnay niyan, hinimok ng Department of Migrant Workers ang mga overseas Filipino worker sa Japan na agad makipag-ugnayan sa ahensiya kung naapektuhan sila ng nasabing lindol.

Ang mga hotline number ng DMW ay pinost ni Officer-In-Charge Hans Leo Cacdac sa kaniyang account sa X (dating Twitter):
• DMW-OWWA Japan Help Desk with hotline 1348 (abroad +632 1348)
• DMW-MWO-OWWA Osaka hotline numbers +81 7022756082 and + 81 7024474016

Nangyari ang malakas na pagyanig sa Japan nitong Lunes ng gabi, Enero 1.