Ingat pa rin sa hawaan ng sakit, hindi lang sa COVID! Mga debotong dadalo sa Traslacion 2024, dapat naka-face mask pa rin–organizers

Hiniling ng lokal na pamahalaan ang kooperasyon ng mga deboto at hinimok ang mga ito na sumunod sa mga patakarang ibababa nito upang masigurado ang ligtas, mapayapa, at maayos na Traslacion 2024.

Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga debotong sasama sa Traslacion para sa Itim na Nazareno na magsuot ng face mask sa kabila ng banta pa rin ng COVID-19.

Kaugnay niyan, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na mamamahagi ang lokal na pamahalaan ng mga face mask sa kahabaan ng Villalobos Street para sa mga magsisimba ng Enero 8 at 9.

“Lalo na mga Hijos del Nazareno, ang pakiusap sa mga barangay at deboto at sa mga sasama sa prusisyon na sila ay magsuot ng masks,” sabi ni Lacuna.

BASAHIN RIN: Traslacion 2024 update: Pakiusap ng mga organizers sa mga deboto, huwag nang umakyat pa sa andas

Nilinaw naman niya na bagaman tumataas aang mga kaso ng COVID-19 sa Maynila, manageable pa rin ang sitwasyon.

“Tumataas ang bilang ng COVID, although controlled. Sa Manila, di naman mataas ang nag-positive, pero to avoid any surge kung talaga gusto natin magtuloy tuloy ang Traslacion 2024, sana mag-cooperate tayo,” aniya.

Handang-handa na rin ang lokal na pamahalaan at ang Philippine National Police upang siguraduhing magiging ligtas, mapayapa, at maayos ang Traslacion 2024.

Sa katunayan, magpapakalat ng tinatayang 15,200 na pulis ang Pambansang Kapulisan sa mga dadaanan ng Itim na Nazareno sa pinakaaabangang prusisyon para dito.

BASAHIN RIN: Ilang araw na lang at magbabalik na: Quiapo, nilinis ng Manila LGU bilang paghahanda sa Traslacion 2024