Ingat lang rin sa mga aso’ pusa! DOH, nababahala sa pagtaas ng kaso ng rabies sa bansa

Muling pinaalalahanan ng Department of Health ang publiko nakamamatay ang rabies, matapos magpatuloy ang mataas na bilang ng insidenteng naitala.

Nababahala ang Department of Health (DOH) sa pagtaas ng kaso ng rabies sa bansa matapos makapagtala na ang ahensya ng pitong kaso simula Enero 1 hanggang 13.

Nagbabala na ang ahensya sa publiko nitong Huwebes, Enero 25, na nakamamatay ang rabies.

Hinimok rin nitong ang mga lokal na pamahalaan na siguraduhing nabakunahan na kontra rabies ang lahat ng mga aso at pusa sa komunidad. Dapat rin aniya nilang siguraduhing walang mga asong gala sa mga barangay.

Binigyang-diin rin ng ahensya ang kahalagahan ng pag-iingat.

“Prevention is always better than cure: all cats and dogs must be vaccinated against rabies, and all animal bites must be brought to medical attention immediately,” saad ng DOH sa isang pahayag.

Pinapangasiwaan rin ng ahensya ang pagbibigay ng libre o murang lunas sa mga nakagat ng aso at pusa.
Nakapagtala ang DOH ng 63% pagtaas sa kaso ng rabies sa bansa simula Disyembre 17 hanggang 31 noong nakaraang taon—o katumbas ng 13 na bagong kaso sa dalawang linggo lamang.