Ingat kay ‘low budget Vin Diesel!’ 2 insidente ng road rage sa Fairview sa unang 2 linggo ng Enero, tampok ang 1 lalaki na maikli ang pisi

Kahit nabigyan na ng show cause order ng LTO sa una nitong insidente ng road rage, tila umulit pa rin ang suspek, na muling na-videohan habang may kinompronta drayber noong isang linggo. Naglabas pa ito ng baton at inambahan ang nakaalitan sa kalsada.

Unang dalawang linggo pa lang ng Enero at may dalawang insidente na ng road rage na nag-viral sa social media.

Subalit ang “leading man” kuno sa parehong insidente ay iisang tao lang.

Ang lalaki ay siya namang binansagang “low budget Vin Diesel” ng ilang netizens dahil kalbo ito at masikip ang suot na pangtaas.

Unang nag-viral ang lalaki noong unang linggo ng Enero nang ma-videohan siya habang kinokompronta ang drayber ng isang trak sa may Quezon City.

Pinagpapaliwanag na ng Land Transportation Office ang suspek para sa naunang insidente sa pamamagitan ng ipinalabas na show-cause order. Ngunit tila hindi pa rin ata ito nagtanda at na-aktuhan muli sa kalsada na nagngingitngit sa galit dahil sa gitgitan sa kalsada.

BASAHIN RIN: Mga drayber sa mga nag-viral na insidente sa lansangan, pinatatawag na ng LTO

Subalit tila hindi nagtanda ang lalaki, na nakuhanan na naman na may kinompronta ibang drayber kamakailan lang.

Makikita sa video, na nag-viral na rin sa social media, kung paano sigaw-sigawan ng suspek ang kaalitan nito. Kumuha pa ng baton ang lalaki at inambahan ang drayber.

Kuha sa parehong video ang sasakyan ng suspek na Toyota Vios na may plakang NBX 3269.

Wala pang reaksyon ang LTO sa pangalawang insidente.