Ingat ingat! DOH, nagbabala sa paglaganap muli ng Leptospirosis sa bansa; bilang ng namatay, nasa 233 na

Nagpaaalala ang Department of Health (DOH) sa mga mamamayan na mag-ingat sa paglusong sa baha matapos matuklasang dumarami ang bilang ng nagkakasakit ng leptospirosis sa bansa.

Nagpaaalala ang Department of Health (DOH) sa mga mamamayan na mag-ingat sa paglusong sa baha matapos matuklasang dumarami ang bilang ng nagkakasakit ng leptospirosis sa bansa.

Tumaas ng 52 percent o katumbas ng 2,168 na kaso ng leptospirosis mula Enero 1 hanggang Hulyo 22 ngayong taon ang naitala ng DOH, kumpara sa 1,423 na kasong naitala sa parehong panahon noong 2022.

Ayon sa DOH, tumaas sa 1.97 porsiyento ang incidence rate ng leptospirosis kada 100,000 populasyon mula sa 1.29 porsiyento sa parehong panahon noong nakaraang taon.Tumaas rin ang bilang ng mga namatay dahil sa leptospirosis sa 233—mas mataas sa 201 na naitala noong nakaraang taon.

Sa 2,168 kaso ng leptospirosis na naitala ngayong taon, pinakamarami ang naitala sa Central Luzon na may 328 na kaso. Kasunod nito ay ang Cagayan Valley na may 283 na kaso at National Capital Region na may 248. Nakapagtala naman ng 205 na kaso sa Davao Region, 157 sa Central Visayas, 123 sa Bicol Region, at 120 sa CALABARZON.

Ayon rin sa DOH, ang leptospirosis ay sanhi ng leptospira spirochetes na nakukuha mula sa infected na ihi o dumi ng mga hayop tulad ng daga. Ito ang dahilan kung kaya’t laganap ang nasabing sakit sa mga lugar na madalas binabaha.