Ingat-ingat! Bilin ng FDA sa publiko, huwag gagamit ng unauthorized cosmetic products

Nagbabala ang FDA sa publiko na huwag tatangkilikin ang mga produktong hindi pa awtorisado ng ahensiya dahil maaaring may safety risks ang mga ito.

Matapos balaan ang publiko na wag tumangkilik ng mga unauthorized food items, binalaan naman ngayon ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko na maging mapanuri sa pagbili ng mga cosmetic products at iwasan ang mga hindi awtorisadong produkto.

Sa katunayan, pinangalanan ng ahensiya nitong Martes, Setyembre 12, ang dalawang unauthorized cosmetic products na nasa merkado na ngayon: Fresh Face Beauty Korean Gluta Body Lotion SPF85″ at “Qiaoyimei Lip Gloss.”

Ayon sa FDA, napag-alaman nito na ang parehong produkto ay walang valid na Certificate of Product Notification (CPN).

Pinaalalahanan rin ng FDA na ang mga produktong hindi authorized ng ahensiya ay dapat ituring na “not safe for use” dahil hindi sila dumaan sa masusing pagsusuri at vetting process ng FDA.

Babala pa ng ahensiya, ang paggamit sa mga unauthorized product ay maaaring makapagdala ng mga seryosong health risks sa mga gagamit nito.

Kaugnay rito ay hinimok naman ng FDA ang mga establishments na iwasang magbenta ng mga produktong walang CPN o hindi pa awtorisado ng ahensiya.