‘Inaayos na namin’: Grab, may mga hakbang na para pagandahin ang palakad

Matatandaang nagwelga kamakailan ang ilang miyembro ng Grab upang ireklamo ang bulok na sistema nito at mga unfair labor practices ng kumpanya.

Ilang araw matapos magwelga ang mga riders nito dahil sa anila’y mga unfair labor practice, nag-anunsyo naman ang Grab Philippines ng mga umano’y hakbang nila upang mas mapaganda pa hindi lamang ang platform mismo kundi pati na rin ang mga pamamalakad nito.

“As we continue to navigate the post-pandemic era, we are firm in our commitment to showcasing our adaptability and unwavering support to our delivery-partners,” pagtitiyak ni Grab chief operating officer Ronald Roda.

Ani Roda, ang mga pagbabago sa Grab ay tugon ng kumpanya sa nagbabagong ekonomiya.

“These initiatives are engineered to ensure that Grab’s partners not only withstand current market changes like the rise of dine-in culture and inflation, but also experience improved overall well-being and job satisfaction,” paliwanag ni Roda.

Kasama sa mga inisyatibong ito ay ang paggamit ng “advanced digital tools” na makakabawas sa mga aberya upang mas maraming order na makuha ang mga riders nito at mas malaki ang kitain.