Imbestigahan na ‘yan! Digital apps na sangkot sa online gambling, pinasisilip ng isang mambabatas

Napag-alaman ng isang mambabatas na hinahayaan ng Maya ang mga subscribers nito na maglaro ng online gambling, kabilang ang online baccarat, online poker, online bingo, at iba pa.

Nais imbestigahan ng ilang mambabatas sa Kamara ang mga digital banking platforms na diumano ay may koneksyon sa online gambling.

Partikular na tinukoy nina House of Representatives Majority Leader Erwin Tulfo, Benguet Rep. Eric Yap, Quezon City 2nd District Rep. Ralph Tulfo, at ACT-CIS Party-list Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo ang Maya Digital Savings Bank, isang digital savings bank at e-wallet app.

Kaugnay niyan, isinumite nila Tulfo ang House Bill (HB) No. 1464 upang magkaroon ng inquiry in aid of legislation sa Maya at sa iba pang mga digital apps.

Sa isang privilege speech nitong Martes, Nobyembre 14, sinabi ni Erwin Tulfo na hinahayaan ng Maya ang mga subscribers nito na maglaro ng online gambling. Kabilang diyan ang online baccarat, online poker, online bingo, at iba pa.

“This question strikes at the core of our responsibility as lawmakers to protect the interests of the millions of subscribers who rely on Maya Digital Savings Bank for their financial transactions and digital wallet needs,” paliwanag niya.

Nais rin niyang malaman kung alam ba ito Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at kung dapat ba itong payagan.