Imahe ng Our Lady of Fatima sa CamSur, lumuluha ng dugo?

Isang larawan ng imahe ng Our Lady of Fatima na umano'y lumuluha ng dugo ang nakita sa bayan ng Sagñay, Camarines Sur.

Isang larawan ng imahe ng Our Lady of Fatima na umano’y lumuluha ng dugo ang nakita sa bayan ng Sagñay, Camarines Sur.

Nangyari umano ang kakaibang insidente noong March 20 habang isinasagawa ang tradisyunal na pagbabahay-bahay ng imahe.

Sa report ng Balitang Bikolandia, inilarawan ni Salvacion Navalta, may-ari ng bahay kung saan nandoon ang imahe ng Our Lady of Fatima, ang pangyayari na nakapagpatayo umano sa kaniyang balahibo.

Wika ni Navalta, nang hahalikan niya ang kamay ng imahe ay napansin niyang may pula sa bandang mata nito.

Agad namang pinag-usapan ang naturang pangyayari kung saan ibinahagi ng iba pang nakasaksi ang pagkakatulad ng likido na nagmula sa imahe sa tunay na dugo.

Ayon sa coordinator ng Soldiers of Christ Catholic Charismatic Healing Ministry na si Nida Geronimo, bagamat nagkaroon na ng katulad na aparisyon gamit ang iba’t ibang imahe, hindi pa anila nararanasan ang tulad nito.

Naniniwala silang nagdadala ito ng malalim na mensahe sa kanilang komunidad.

Binigyang pansin naman ng Archdiocese of Caceres ang pangyayari at sinabing magsasagawa sila ng imbestigasyon upang tukuyin kung totoong nangyari ito.