Ilayo ang mga preso sa Maynila! 450 na PDL, nilipat papunta sa kolonya sa Iwahig – BuCor

Nakatakdang isara ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga pasilidad nito sa Muntinlupa at Mandaluyong sa 2028 upang magbigay daan sa pagtatayo ng commercial center sa mga lugar.

Nilipat ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 450 na persons deprived of liberties (PDL) papuntang Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) sa Puerto Princesa, Palawan bilang bahagi ng kanilang pagpapaluwag ng kanilang mga pasilidad.

Nagmula ang 396 na PDL mula sa medium security compound, habang apat naman ang nanggaling sa maximum security compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Ang natitirang 50 naman ay nagmula sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong, ayon kay BuCor director general Gregorio Pio P. Catapang Jr.

Umabot na sa 1,500 na PDL ang nailipat ng BuCor ngayong taon, dagdag pa ng opisyal.

Nauna nang maglipat ng PDL papuntang Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.

Ayon kay Catapang, nakatakdang isara ang mga pasilidad ng BuCor sa Muntinlupa at Mandaluyong sa 2028 para gawing commercial center.

“We really need to close NBP since it is no longer practical for us to stay here where high-end residential subdivisions are now located and the residents around the area are apprehensive and fear for their safety should a prisoner escape,” paliwanag ni Catapang.

Ipinatutupad rin ni Catapang ang Oplan Lipatan kung saan hinihiwalay ng kawanihan ang mga PDL na sangkot sa malagim na krimen.