Ilang kongresista sinulong pagtatayo ng istruktura sa WPS

Suportado ng mga kongresista ang pagpapatayo ng imprastruktura sa mga isla sa West Philippine Sea (WPS) bilang pagpalag sa pangha-harrass ng China.

Sa press briefing ngayong Lunes, nagpahayag ng pagsuporta sina Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David Suarez, Bataan Rep. Geraldine Roman, Zambales Rep. Jeffrey Konghun at La Union Rep. Francisco Paolo Ortega sa isinusulong ni House Speaker Martin Romualdez na bumuo ng mga permanenteng sa Kalayaan Island Group, partkular sa Pag-Asa Island.

“It should be a matter of priority, actually. Alam nyo naman, ayaw natin ‘yung nagpapa-bully. And pinapakita natin na meron tayong paninindigan sa ating bansa,” ayon kay Roman.

Pinuri din ng mga mambabatas si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa matibay na pagtindig nito patungkol sa issue ng territorial dispute sa West Philippine Sea.

Ayon kay Khonghun, ang pagtatayo ng Pilipinas ng mga permanenteng structure sa mga isla sa WPS ay pagpapakita sa China na hindi isinusuko ng bansa ang teritoryo nito.

Lahad naman ni Ortega, dapat aniya na simulan na ng gobyerno na paunlarin ang negosyo at turismo sa mga isla sa Kalayaan Island.