Ilabas pa rin ang kapote! Maulan pa rin sa Metro Manila, karatig lugar na dulot ni ‘Hanna’

Magiging maulan pa rin ngayong Sabado, Setyembre 2, dahil kay Bagyong Hanna na magpapalakas pa rin ng habagat sa buong bansa, ayon sa PAGASA.

Magiging maulan pa rin ngayong Sabado, Setyembre 2, dahil kay Bagyong Hanna na magpapalakas pa rin ng habagat sa buong bansa, ayon sa PAGASA.

Sa kanilang kalatas ng 5:00 ng umaga, namataan ang mata ni Hanna sa layong 530 kms kanluran hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes, na nagtataglay ng 120 kph na maximum sustained winds at bugso na aabot sa 150 kph. Gumagalaw si Hanna pa-silangan ng 10 kph.

Dahil dito, magiging maulan pa rin na may kasamang malalakas na hangin sa Batanes, habang bubuhos ang monsoon rains sa Ilocos Region, Zambales, Bataan at Occidental Mindoro.

Makakaranas rin ng maulan na panahon sa Metro Manila, Abra, Apayao, Benguet, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, at Batangas.

Samantala, magiging maulan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog, at pagkidlat sa Antique, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa.

Magiging makulimlim na may kalat-kalat na pag-ulan sa iba pang bahagi ng bansa.

Ang hilaga at silangang bahagi ng karagatan ng Luzon ay magiging maalon dahil sa malakas na hangin, habang ang kabuuan ng Luzon, Visayas, at Mindanao ay makakaranas ng katamtaman hanggang sa matinding pag-alon.