Ika-122 taong anibersaryo ng kapulisan, masayang ipinagdiwang ng PNP-Bicol

Pinasalamatan at kinilala ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang hanay ng Police Regional Office-5 sa kanilang mga nagawang accomplishment at pagbibigay seguridad sa buong rehiyon.

LEGAZPI CITY, ALBAY – Pinangunahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang 122nd Police Service Anniversary ng Police Regional Office 5 (PRO-5) sa Kampo Heneral Simeon Ola nitong Biyernes, Oktubre 13.

Tema ng okasyon ang “Nagkakaisang Pulisya at Pamayanan Tungo sa Mapayapa at Maunlad na Bansa.”

Kinilala rin ni Gen. Acorda ang mga napagtagumpayan ng pulisya para mapanatili ang kaayusan at seguridad sa rehiyon lalo na ang pagbuwag sa iligal na droga at pagkakahuli ng mga high value individuals na nagpapakita ng dedikasyon ng PNP Bicol sa kanilang propesyon.

Bukod dito, kinilala rin ni Gen. Acorda ang pagtulong ng mga pulis sa komunidad, tulad ng pagbibigay ng sustainable potable water supply sa Mayon evacuees, Project Tanglaw, at iba pa.

Sentro rin ng pagtitipon ang pagkilala sa mga tauhan ng PNP Bicol na nagpakita ng pagmamalasakit sa komunidad. Ilan sa mga pagkilalang ibinigay ay ang medalya ng kadakilaan, special awards for good deeds, at special unit awardee.

Kasabay din sa selebrasyon ang pag-turn-over ng 20 patrol jeeps at isang personal carrier na ibinigay ng gobyerno Probinsya ng Sorsogon. Ánim sa 20 patrol jeeps ang ibibigay sa ilang municipal station sa Camarines Norte. Para naman sa Camarines Sur Provincial Police Office, walong patrol jeeps ang ibibigay. Anim naman para sa Sorsogon Provincial Police Office habang isa naman para sa Pio V. Corpuz at Regional Mobile Force Batallion 5.

Nagkaroon din ng Blessing at Inauguration ng bagong Quick Response Team Standby Area, bagong opisina ng Regional Forensic Unit 5 at PNP Bicol Armory and Warehouse. Nai-turn-over din ang 300 units ng Basic Assault Rifle “Emtan” Caliber 5.56 mm at internal Security Operations Equipment.