Ika-12 na Balay Silangan Reformation Center sa Albay, itatayo sa Daraga—alkalde

Importante ang pagkakaroon muna ng Balay Silangan dahil gagamitin ito bilang Rehabilitation Center ng Drug Offenders sa bawat lugar, ayon sa tagapagsalita ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bicol.

Pirmado na ng Municipal Anti-Drug Abuse Council Chairman at Daraga Mayor Carlwyn Baldi ang Memorandum of Understanding para sa paglalagay ng Balay Silangan Reformation Center sa kanilang bayan.

Nitong Huwebes, Nobyembre 30 nang pirmahan ng alkalde ang Memorandum kasabay ng ginawang Committee hearing sa Sangguniang Bayan Session hall.

Dumalo sa MOU Signing si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Director Edgar Jubay, PDEA Albay Provincial Director Noe Briguel at si Atty. Alex Fulgencio namumuno ng Legal and Prosecution Unit.

Ayon kay Agent Ma. Lorena Uy ang Acting Public Information Officer ng PDEA Bicol, bago na masabing drug cleared, importante ang pagkakaroon muna ng Balay Silangan dahil gagamitin ito bilang Rehabilitation Center ng Drug Offenders sa bawat lugar, bagay na ikinikatuwa man nila na binibigyang importansya ng bayan at pinaghihirapan na mailagay na.

Bukod sa PDEA, makakatulong ng Municipal Anti-Drug Abuse Council ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Department of Trade and Industry (DTI), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at iba pang ahensya ng gobyerno sa paggabay ng mga nasangkot sa iligal na droga para sa kanilang pagbabagong buhay.

Tatlong buwang ipapasailalim ang mga drug offenders sa Counselling, Spiritual at Values Information, Livelihood Training at sa Moral Recovery Program bago sila maka-graduate sa nasabing programa.

Lininaw ni Uy na hindi sakop ng Balay Silangan Reformation Center ang mga High-Valued Target.

Sa ngayon, kabuoang 79 na ang Balay Silangan sa rehiyon, 11 dito ang galing sa probinsya ng Albay.