Ihanda na ang kumot: Amihan, papasok na sa pag-alis ng habagat

Dapat maghanda na ng kumot at mag-ipon ng tubig dahil ayon sa PAGASA, paparating na ang amihan ng magdadala ng malamig na hangin. Kasabay naman nito ang posibleng pagtama rin ng El Niño.

Asahan na ang paglamig ng simoy ng hangin dahil paparating na ang amihan. Kaugnay nito ay dineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagtatapos ng habagat.

“Recent analyses showed that a significant weakening of the southwest monsoon has been observed over the past few days,” paliwanag ng PAGASA sa isang pahayag.

Dagdag pa ng ahensiya, ang paglakas ng isang high-pressure system sa East Asia ang nagdudulot ng unti-unting pagbabago ng panahon, partikular na ang pagtatapos ng habagat at pagpasok ng amihan.

Kasabay ng paglamig, inaasahan rin ng PAGASA na tatama ang El Niño, na magdadala naman ng “dry spell” sa maraming bahagi ng bansa. Ayon sa ahensiya, magsisimula ito sa huling tatlong buwan ng taon, hanggang sa unang anim na buwan ng 2024.