Ibyahe na ang mga animal na yan! 2 menor de edad paulit-ulit hinalay sa Maynila ng nakausap sa social media

Don’t talk to strangers kahit na online, ang simpleng paalala ng mga awtoridad matapos magtungo ang dalawang menor de edad sa pulis para ireklamo ang mga humalay sa kanila, na nakilala lang nila sa pamamagitan ng social media.

Dalawang menor de edad ang dumulog sa Baseco Police Station upang ireklamo ang tatlong lalaking nanghalay umano sa kanila nang paulit-ulit sa loob ng dalawang araw.

Batay sa nakalap ng impormasyon ng pulisya, kinontak umano ng isa sa mga suspek ang 13-anyos na biktima sa pamamagitan ng social media noong Oktubre 28 at inimbitahan ito sa isang party malapit sa Baseco Compound sa may Port Area sa Maynila. Inaya naman niya ang kaibigan niyang 14-anyos na sumama sa kanya.

Umiinom na diumano ng beer ang tatlong suspek nang kitain nila ang dalawang biktima.

“Nagkaroon ho ng mga pag-uusap at nagkaroon po ng pagpaplano na magkikita kung saan po sumama itong mga menor de edad. At nagkaroon ho sila ng inuman,” kwento ni Lt. Col. Emmanuel Gomez, ang station commander ng Baseco Police Station.

Sa nasabing party na nalasing ang dalawa at nakatulog, at dito na sila sinimulang halayin paulit-ulit ng mga suspek mula Oktubre 29 hanggang Oktubre 31, kung kailan sila nakatakas at nakapunta na sa mga pulis.

“Talagang nanginginig po sila sa takot. Based po dun sa outcome nung examination, nakita nga ho na naabuso po sila,” dagdag ni Gomez.

Pinuntahan naman agad ng mga pulis ang pinangyarihan diumano ng krimen, at dito nila naaresto ang dalawa sa tatlong suspek.

“We caught them inside their room kung saan po nangyari ‘yung panghahalay po. We were able to apprehend them, ‘yung dalawa. ‘Yung isa po kasi nung time na pagdating namin, umalis daw po,” salaysay pa ni Gomez.

Makakaharap ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act No. 11648 (Statutory Rape) at Article 268 of the Revised Penal Code (Slight Illegal Detention). Pinaghahanap naman ng kapulisan ang isa pang suspek.