Ibiyahe na ang mga ‘yan! Kaso laban sa ‘kulto’ sa Surigao del Norte, dadalhin sa Maynila ng DOJ

Ililipat na ng Department of Justice sa Maynila ang paglilitis sa mga kasong qualified trafficking, kidnapping and serious illegal detention, at child abuse na isinampa laban sa mga lider ng isa umanong kulto sa Surigao del Norte.

Patong-patong na kaso ang isasampa ng Department of Justice (DOJ) sa mga lider ng diumano’y kulto sa Surigao del Norte.

Nabunyag kamakailan ang Socorro Bayanihan Services Inc na sangkot sa pang-aabuso at panghahalay sa mga kabataan, at sapilitang pagpapakasal ng mga menor de edad.

Ililipat na rin umano ang kaso sa Maynila, ayon kay Justice Assistant Secretary Mico Clavano upang mas mapadali ang paghahabla sa mga kasong isasampa ng kagawaran.

Paglilinaw ni Clavano, mas makabubuti kung sa Maynila na diringgin ang mga kaso laban sa lider ng kulto na si Jay Rence Quilario, na kilala rin sa alyas na Senior Aguila, at ang iba pang opisyales ng grupo.

Ang mga kasong kinakaharap nila ay qualified trafficking, kidnapping and serious illegal detention, at child abuse. Kasama rin sa mga kinasuhan ang iba pang opisyales ng kulta na sina Mamerto Galanida, Karren Sanico, Jr., Janeth Ajoc, Wenefredo Buntad, Giovanni Lasala, Ibrahim Adlao, Jovelito Atchecoso, Sergio Cubillan, Daryl Buntad, Jonry Elandag, Yure Gary Portilio, at Florencio Quiban.