Ibagsak niyo na! ‘Better options’ sa pagbaba ang presyo ng bigas, ilalatag ng economic team kay PBBM

Ayon kay NEDA director general Arsenio Balisacan, nakahandang maghain ng better options ang economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para mas matugunan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bigas.

Inaasahang maghahain ng “better options” ang economic team ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mas matugunan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.

Sa isang press briefing ng Malacañang nitong Huwebes, Setyembre 21, binigyang-diin ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na ang price ceiling na ibinaba sa presyo ng bigas ay pansamantala lamang. Tatanggalin rin aniya nito sa oras na makamit ng gobyerno ang objective nito na mas mababang presyo ng bigas.

“So as soon as we can see a better option of addressing that and we have already achieved the objective, it (price ceiling) should be lifted,” paliwanag ni Balisacan, director general ng National Economic and Development Authority.

Sinabi rin ni Balisacan na magpupulong ang economic team ng pangulo upang magbigay ng mga paraan para pababain ang presyo ng bigas sa bansa. Isa sa mga nakikitang paraan ni Balisacan ay ang pansamantalang pagbaba ng tax sa rice imports dahil sa mataas na presyo naman ng bigas sa world market.