Ibagsak mo! Online raffle ng isang fliptopper sa Bataan, timbog sa pulis

Tinugunan ng Philippine National Police Anti-Cybercrime ang sumbong ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) tungkol sa isang operasyon ng online gambling na pinatatakbo umano ng sikat na fliptopper na si Tipsy D.

Nasakote sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang walong lalaking sangkot sa online illegal gambling sa Balanga City, Bataan noong Sabado, Oktubre 21.

Makikita sa video na kuha ng PNP-ACG ang isang online raffle ng dalawang lalaki. Sa gitna naman nito ay biglang pumasok ang mga operatiba at pinatigil ito.

Nagsimula ang pagpaplano operasyon nang magreklamo ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor) sa tanggapan ng PNP-ACG noong Agosto 10, ayon na rin sa ulat ng ahensiya mismo.

“Nagreklamo si Pagcor sa atin. Itong Tipsy D daw, allegedly ay nage-engage ng online raffle. So nagbebenta ng ticket, meron silang nira-raffle na mga sasakyan and everything,” kwento ni Capt. Michelle Sabino, tagapagsalita ng PNP-ACG.

Nakuha ng mga pulis ang desktop, extension monitor, laptop, mobile phones, tablet, Airmix tambiolo, set ng numbered plastic balls, router, at CCTV.

Inanunsyo rin ng PNP-ACG na maaaring magsumbong sa kanilang tanggapan ang mga nabiktima ng online gambling.