I-modernize pati ugali ng driver! Jeep na nawalan umano ng preno, nang-araro ng e-bike at tricycle sa Laguna; 2 patay, 23 sugatan

Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan diumano ng preno ang jeep na may mga sakay na mag-aaral. Subalit sapul naman sa CCTV na mabilis ang takbo ng nasabing jeep bago ang malagim na aksidente.

Inararo ng isang pampasaherong jeep ang isang e-bike at tricycle sa Nagcarlan, Laguna nitong Sabado, Enero 20, na naging dahilan naman sa pagkamatay ng dalawa katao, kasama ang isang 2-anyos na bata.

Batay sa paunang imbestigasyon, nawalan diumano ng preno ang jeep na may mga sakay na mag-aaral. Subalit sapul naman sa CCTV na mabilis ang takbo ng nasabing jeep bago ang malagim na aksidente.

“Nalaman niya na nawalan ng preno so tuloy-tuloy siya at nandoon na. Nataranta siya at ang unang binangga niya doon ay tricycle at e-bike. Nagtuloy-tuloy pa rin ang andar ng passenger jeep at nakabangga pa siya ng dalawang tao dito sa Poblacion,” kwento ni PCMS Christopher Encarnacion, Municipal Executive Senior Police Officer ng PIO ng Nagcarlan.

Kinilala ng mga awtoridad ang mga nasawi na sina Fabian Audije, 45, at Sandra Margarette Arevalo, 2. Si Arevalo ay isa sa mga sakay ng nabundol na e-bike, kasama ang 4-anyos niyang kapatid, si Bernadette Arevalo, at ang 11-buwang-gulang pa nitong anak

“Nung alam kong may babangga sa amin, niyapos ko na ang anak ko at pamangkin ko. Kaso ‘yung isa kong pamangkin, hindi ko nayapos kasi nasa unahan siya, unahan ng driver,” kwento ni Bernadette.

Malagim rin ang sinapit ni Audije, na manghihiram lamang sana ng silya sa kabilang kalsada na gagamitin sana sa kaarawan ng kaniyang ama. Patawid na ito ng mabangga at makaladkad ng jeep.

Humihingi naman ng tawad ang tsuper ng jeep, na nanindigang nawalan lamang talaga ito ng preno. Hindi rin daw siya nakatulog, pagod, lango, o nasa impluwensiya ng droga nang mangyari ang aksidente.