I-donate na nang mapakinabangan pa! BOC, maaaring mag-donate ng mga kumpiskadong bigas

Planong i-donate ng Bureau of Customs sa DSWD o DA ang nasakote nitong smuggled rice na tinatayang nagkakahalaga ng P42 milyon.

Pinag-aaralan na ng Bureau of Customs (BOC) ang pag-turnover nalang ng 42,180 kaban ng imported rice sa mga kawani ng pamahalaan na nagbibigay ng government assistance programs.

Sa isang news forum sa Quezon City nitong Sabado, Setyembre 16, sinabi ni BOC – Port of Zamboanga chief Benito Lontok na ang planong pag-donate sa mga smuggled rice ay para sana makatulong sa Kadiwa Program ng Department of Agriculture (DA) and sa mga assistance programs naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Subalit ito ay “subject to approval” pa ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio and Department of Finance Secretary Benjamin Diokno.

“Ido-donate po yata sa (para sa) government program, I don’t know po kung Kadiwa or sa DSWD. Pero ‘yun po ay pinag-uusapan pa,” paglilinaw ni Lontok.

Ang nasabing smuggled rice, na nagkakahalaga ng P42 million, ay nasakote sa isang raid sa isang warehouse sa Barangay San Jose Gusu sa Zamboanga City sa tulong na rin ng isang tip.