‘I-byahe na yan’ ! Lalaki timbog sa NBI sa kasong paninikil, pagbanta ng rape sa menor de edad

Dinakip ng NBI ang isang lalaking sangkot umano sa tangkang online extortion at pagbabanta ng rape sa anak ng dating karelasyon nito.

Kulong ang isang lalaki dahil umano sa bantang paninikil online sa dati nitong kasintahan at paggahasa sa menor de edad na anak nito.

Ayon sa hindi pinangalanang biktima, dati niyang kasintahan ang lalaki, na kinilala bilang alyas “John” subalit nag-break umano sila dahil sa isang malaking away. Dito na nagsimula ang pagbabanta ni John, sa pamamagitan ng mga text, na ipo-post niya ang mga hubad na larawan ng biktima, pati na ang diumano’y sex video nila.

Sa takot ay nagbigay ng P50,000 ang babae matapos umanong pagbantaan rin ni John na gagahasain ang 15-anyos na anak ng dating karelasyon.

Agad namang nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crimes Division (NBI-AOTCD) upang mahuli ang lalaki.

Makakaharap si John sa patong-patong na kaso, kabilang na ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 at Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009.

Na-recover naman kay John ang mga maseselang larawan at video, kasama na ang marked money na inihanda ng NBI-AOTCD.