I-aatras kaya ang kaso laban sa mga nanira sa kanya? LTFRB chair Guadiz, balik-trabaho matapos suspendihin

Bagaman idinawit sa mga anomalya, wala namang matibay na ebidensiya laban kay Teofilo Guadiz III na chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Pormal nang ni-reinstate ng Department of Transportation si Teofilo Guadiz III bilang chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos itong suspendihin dahil sa mga alegasyon ng katiwalian.

Magbabalik si Guadiz bilang pinuno ng LTFRB sa Lunes, wala pang isang buwan matapos siyang suspindihin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“In the exigency and best interest of service, Assistant Secretary Teofilo Guadiz III is hereby reinstated as chairperson of the LTFRB, effective 6 November 2023,” pahayag ng special order ni Transport Secretary Jaime Bautista.

Pansamantalang nanilibihan si Atty. Mercy Leynes bilang officer in charge sa ahensiya noong suspendido pa si Guadiz.

Si Guadiz ay nauna nang inakusahan na sangkot sa mga anomalya at korupsiyon sa LTFRB, subalit wala namang matibay na ebidensiya laban sa kaniya.