Huwag na huwag ibenta yan! PBBM—Huwag sayangin ang karapatang mamili ng mga lider ng barangay, SK sa pagbenta ng boto

Bumoto si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang hometown sa Batac, Ilocos Norte ngayong Lunes ng umaga, Oktubre 30.

Pinaalalahanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang publiko na huwag ibenta ang kanilang boto dahil sasayangin lang nila ang kanilang karapatan na mamili ng kani-kanilang mga pinuno sa barangay at Sangguniang Kabataan.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos bumoto Lunes ng umaga, Oktubre 30, sa kanyang hometown na Batac, Ilocos Norte.

“Ang payo ko lang sa ating mga kababayan, huwag niyong itatapon ang inyong karapatan na makapili ng inyong mga barangay official, dahil alam niyo naman na ang mga barangay official ang mga kaharap ninyo araw-araw. Ito ang mga tinatakbuhan ninyo para makatulong sa inyong problema,” ayon sa Pangulo.

“Kaya’t kung idadaan lang sa bayaran ay mawawala ang boses ninyo at hindi ninyo maipili kung sino ba ang dapat ba talaga na mamuno sa inyong barangay, at sino ang makakatulong sa inyo na harapin ang mga problema na araw-araw na dinadala ninyo sa mga barangay official,” dagdag pa niya.

Sinabi ng Pangulo na nakatanggap pa siya ng mga ulat ng mga insidente ng vote buying na nagaganap sa iba’t ibang mga lugar ng Ilocos Norte.

“Last night there were some reports, even here in Ilocos Norte, na may mga umiikot na namimimili ng boto para dito sa barangay elections,” aniya.

Ibinigay ng Pangulo ang mga impormasyon sa mga awtoridad, at inutusan na tugisin ang mga salarin na sangkot sa vote buying.

“We will do our part as the government, we will do our part to continue to enforce all of the laws that do not allow the use of vote-buying as the part of the campaign,” ayon sa Pangulo.