Huwag masyadong mayabang, payo ni Rep. Co kay Villanueva

“Kilala naman ho natin si Senator Joel Villanueva kung sino siya eh. Siya ho ay dating na-perpetually disqualified sa desisyunan ng Ombudsman. Pero mukhang na-apela ho niya. Pero alam po natin na nali-link pa siya kay [Janet] Napoles,” pahayag pa ni Co.

Pinayuhan ni House Appropriations Committee chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co si Senator Joel Villanueva na huwag masyadong magmalinis at mapanghusga.

Ito’y sa gitna ng isyu sa pagitan ng Kamara at ng Senado na nag-ugat sa usapin ng charter change.

Ipinaalala ni Rep. Co kay Villanueva na minsan na rin itong nadawit sa PDAF Scam at naugnay kay Janet Lim Napoles.

“Unang una, si Senator Joel ho ay dati naman siyang party-list and masyado ho atang mayabang ang ating senador at alam naman ho natin kung sino siya,” ani Co sa isang radio interview.

Dagdag pa ng mambabatas na hindi rin maikakaila ng senador ang hindi magandang reputasyon nito nang masangkot sa iskandalo ni Napoles. “Kilala naman ho natin si Senator Joel Villanueva kung sino siya eh. Siya ho ay dating na-perpetually disqualified sa desisyunan ng Ombudsman. Pero mukhang na-apela ho niya. Pero alam po natin na nali-link pa siya kay [Janet] Napoles,” pahayag pa ni Co.

Noong 2016 ipinag-utos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang dismissal ni Villanueva sa Mataas na Kapulungan matapos mapatunayang guilty sa “grave misconduct, serious dishonesty and conduct prejudicial to the interest of the service,” sa paglipat nito ng P10-milyong PDAF allocation sa bogus NGO ni Napoles.