Huwag magpalinlang! Ingat sa modus ng mga iligal na recruiter — BI

Dapat maging mapanuri ang mga Pilipino sa mga nag-aalok ng trabaho kuno sa ibang bansa, lalo kung may mga pangakong mataas ang sweldo at madali ang proseso.

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino na mag-ingat sa mga illegal recruiter na naghihikayat sa mga mamamayan na magtrabaho diumano sa China.

Inanunsyo ito ng BI makaraang pabalikin mula China ang limang Pilipinong nabiktima na diumano ng nasabing modus.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, natuklasan na ilegal ang pagtatrabaho ng limang Pilipino sa China kaya inaresto ang mga ito at ikinulong.

Dumating ang tatlo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Oktubre 20, habang ang dalawa ay dumating kinabukasan, Oktubre 21. Pawang mula sa Guangzhou Province, China nanggaling ang limang Pilipino.

Inamin ng mga biktima na nahikayat sila ng mga recruiter na pumunta at magtrabaho sa China kahit wala silang overseas working permit. Nakakuha naman sila ng mga trabaho tulad ng hotel housekeeper, caretaker, private tutor, at household service workers subalit iligal ang kanilang pamamalagi roon.

Sinabi ni Tansingco na huwag magpalinlang sa mga pangako na mataas na sahod ng mga recruiter at dayuhan na biglang mawawala kapag nasa oras na ng problema sa destinasyong bansa.