Hustisya para sa mga mamamahayag! Task Force, binuo para resolbahin ang pagpaslang sa broadcaster sa MisOcc—PNP R-10

Mariing kinondena ng pamunuan ng Police Regional Office 10 ang pagpaslang sa mamamahayag habang nagsasagawa ng kanyang programa sa radyo sa Calamba, Misamis Occidental noong Linggo, Nobyembre 5.

Bumuo na ng special investigation task group (SITG) ang Police Regional Office 10 (PRO-10) na pangungunahan ang imbestigasyon sa pagpatay sa isang radio broadcaster sa Calamba, Misamis Occidental noong Linggo, Nobyembre 5.

Sa isang pahayag, kinondena ni acting regional director Brig. Gen. Ricardo Layug Jr. ang tahasang pagpatak kay Juan Jumalon, o mas kilala sa kanyang bansag na Johnny Walker, habang nagpo-programa sa 94.7 Calamba Gold FM.

“We are now actively conducting a thorough investigation to identify the perpetrators of this crime and bring them to justice. A [SITG] will be created to spearhead and coordinate the investigative efforts to facilitate the speedy resolution of the case,” sinabi pa ni Layug.

Giit pa ni Layug na determinado ang pulisya na resolbahin kaagad ang kaso upang tiyakin ang seguridad ng lahat ng mamamahayag sa rehiyon.

“Let us stand united against violence and work towards a society where freedom of expression and of the press is respected and protected,” aniya.

Makikita sa live broadcast ng social media page ng Gold FM kung saan pinagbabaril ng malapitan si Jumalon habang nagpo-programa sa kanyang bahay sa Barangay Don Bernardo A. Neri. Hindi na-aninag sa video ang pagkakakilanlan ng salarin.