Hustisya para sa mga biktima! Pastor Apollo C. Quiboloy, pinasisilip ang diumanong mga paglabag sa batas–mambabatas

Ayon sa Department of Justice (DOJ), may mga kasong libel, rape, and qualified trafficking pang kinakaharap si Pastor Apollo C. Quiboloy.

Naghain ng resolusyon si Senador Risa Hontiveros para imbestigahan si Pastor Apollo C. Quiboloy sa “large-scale human trafficking, rape, sexual abuse and violence, and child abuse.”

Ayon sa Senate Resolution No. 884 ni Hontiveros, mayroong grupo ng kababaihan si Quiboloy na tinatawag na “pastorals” na naaatasang gumawa ng mga “special personal tasks” para sa naturingang pastor at pinuno ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Kabilang dito ang pagpaligo kay Quiboloy, pagmasahe sa kanya, at iba’t iba pang gawaing sekswal, aniya.

Kaugnay niyan ay handa ang Department of Justice (DOJ) na magpalabas ng immigration lookout bulletin order (ILBO) kontra kay Quiboloy kung magsusumite si Hontiveros ng pormal na request.

“We will wait for the formal request by Senator Risa Hontiveros,” ani Justice Assistant Secretary Mico Clavano.

Sinabi rin ni Clavano na may mga kasong libel, rape, and qualified trafficking pa ang pastor.

Kung magbaba ang DOJ ng ILBO laban kay Quiboloy, maaatasan ang mga opisyal ng Bureau of Immigration na alertuhin ang DOJ at prosecutor-general kung sakaling magtanggkang umalis ng bansa ang pastor.