Huli man at magaling, sumunod pa rin! Mga operator ng jeep, humabol sa konsolidasyon sa huling araw ng deadline

Nagbabala ang PISTON na magkakaroon ng krisis sa transportasyon ngayong taon dahil sa modernisasyon, na siya namang pinabulaanan ng pamahalaan.

Humabol ang mangilang operator ng public utility jeepney sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa konsolidasyon sa huling araw ng deadline para dito nitong Linggo, Disyembre 31.

Nagpunta sa opisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga sangay nito ang mga humabol na operator para makasunod sa mandato ng pamahalaan bilang bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) nito.

Ayon sa ilang operator, labag sa loob nila at ng mga tsuper ang naturang konsolidasyon, na anila’y ginagawa lamang nila upang hindi sila mawalan ng hanapbuhay.

“Wala na tayong magagawa. Kelangan natin sumunod kesa mawalan tayo ng hanapbuhay,” sabi ng isang operator.

BASAHIN RIN: Iwas krisis: Consolidated na linya ng mga jeepney, bibigyan ng special permits simula 2024 para di maantala ang byahe

Nanindigan naman si Andy Ortega, chairman ng Office of the Transportation Cooperatives ng Department of Transportation (DOTr) na tapos na ang konsolidasyon.

“‘Yung firmness ng December 31 deadline was clear as day,” ani Ortega.

Kaugnay niyan ay nagbabala naman si Mody Floranda, pangulo ng grupong PISTON, na magkakaroon ng krisis sa transportasyon kung itutuloy ng pamahalaan ang plano nitong PUVMP.

“Kapag hindi na talaga tayo pinayagan na makapag-renew ng ating prangkisa ay talagang dito natin daranasin ‘yung sinasabi natin na transport crisis,” sambit ni Floranda.

Pinabulaanan naman ng DOTr at LTFRB na magkakaroon ng krisis sa transportasyon dahil anila, consolidated na ang mga jeepney sa mga pangunahing ruta.

BASAHIN RIN: Paano na lang ang commuter? Transport groups, kokontrahin si PBBM sa PUV modernization hanggang sa dulo ng walang hanggan!