Huli ka, balbon! PNP, tutukuyin ang pagkakakilanlan ng lalaking nanutok ng baril sa naka-alitang driver sa Valenzuela

Papangalanan na ng Philippine National Police ang driver ng SUV na nag-viral sa social media matapos manutok ng baril sa naka-away na taxi driver sa Valenzuela City

Nakilala na ng Philippine National Police ang lalaking nagmamaneho ng SUV na na-aktuhan sa isang viral video na nanunutok ng baril sa nakasagutang taxi driver sa Valenzuela City noong Agosto.

Napagalaman ng pulis na hinihikayat na ng mga kamag-anak ng suspect na sumuko na ito sa mga pulis. Nauunawaan ng mga kamag-anak ang mga nangyayari sa kaso, at nangako silang kukumbinsihin ito na lumutang na sa mga awtoridad.

Dahil natukoy na ng pulis ang pagkakakilanlan ng driver, agad nang nakansela ang lisensiya niya sa pagdala ng baril.

Natunton na rin ng pulis ang driver na nakaalitan ng suspect, at magkakaroon siya ng pagkakataong makaharap ito.

Kumalat sa social media ang video na nagpapakita ng road rage noong Agosto. Makikita sa video na binunot ng driver ang kanyang baril at itinutok ito sa taxi driver ng magpang-abot sila sa daan.

Nangyari ang insidente sa may Barangay Punturin, Valenzuela nang mabangga ang SUV sa taxi matapos nitong magtangkang mag-overtake sa daan.