Huli ka! Amerikanong pinaghahanap dahil sa kasong pedophilia, nasakote ng BI sa Quezon City

Natunton ng mga kawani ng Bureau of Immigration ang dayuhang wanted sa Estados Unidos sa mga kasong sexual exploitation of a minor, at iba pang pag-abuso.

Inaresto kamakailan ng mga miyembro ng Bureau of Immigration–Fugitive Search Unit (BI–FSU) ang isang Amerikanong pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa mga kasong kinakaharap niya.

Dinakip ng mga kinauukulan si Jonathan Michael James, na diumano ay nagtatago sa Quezon City upang makatakas siya sa mga kaso ng sexual abuse sa Estados Unidos.

Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sasampahan si James ng limang kaso ng second degree sexual exploitation of a minor kaugnay ng mga insidente nang pang-aabuso na naganap sa North Carolina.

Si James ay may standing warrant of arrest na ibinaba naman ng Davidson County, Sherrif’s Office ng North Carolina.

Dagdag ni Tansingco, agad na nagkasa ng operasyon ang BI-FSU matapos itong makatanggap ng impormasyon hinggil kay James, na idineklara ng undocumented at undesirable alien alinsunod na rin sa mga immigration laws ng bansa.

“We have close coordination with foreign governments to ensure that foreign fugitives do not use our country to escape punishment for their crimes,” ani Tansingco.