Hudyat ng panibagong reclamation: PCG: Sandbar sa West Philippine Sea, tinambakan ng patay na corals

Natagpuang puno ng patay at dinurog na corals ang Sandy Cay 2 sa may Pag-asa Island, at ito diumano ay senyales na magsisimula ng reclamation ang China.

Nadiskubre nito lang ng Philippine Coast Guard na puno ng patay at dinurog na corals ang isa sa apat na sandbar malapit sa Pag-asa Island na nasa West Philippine Sea, ayon sa ulat ng 24 Oras Weekend nitong Linggo, Setyembre 24.

Ang mga bunton ng patay at dinurog na corals na natagpuan sa sandbar na Sandy Cay 2 ay kasing-taas na diumano ng isang tao, ayon na rin sa nasabing ulat.

Ayon sa mga eksperto, ang paglalagay ng patay at dinurog na corals ay karaniwan ng ginagawa ng China kung magsisimula ito sa reclamation activity.

Ang nasabing sandbar rin ay hinaharangan diumano ng Chinese Coast Guard (CCG) at mga Chinese militia vessels.

Matatandaang binweltahan ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. nito lang ang China sa mga reclamation activities nito, na aniya ay nakakapinsala sa West Philippine Sea na teritoryo ng Pilipinas.