Hontiveros naimbyerna sa kondisyon ni Pastor Quiboloy: Daig pa 10 Utos ng Diyos!

Nawindang si Senadora Risa Hontiveros sa 17 kondisyon ni Pastor Apollo Quiboloy para pumayag siyang dumalo sa pagdinig ng Senado.

Nawindang si Senadora Risa Hontiveros sa 17 kondisyon ni Pastor Apollo Quiboloy para pumayag siyang dumalo sa pagdinig ng Senado.

Ngayong Lunes ay ibinahagi ni Hontiveros ang mga kondisyon na isinapubliko umano ng mga influencer na miyembro ng sekta ni Quiboloy na Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Kabilang sa mga kondisyon umano ni Quiboloy ang dapat isakay siya sa isang private jet pa-Maynila, at kailangan daw niyang tumuloy sa isang five-star hotel.

“First time ko makarinig ng ganito, sa totoo lang. Dinaig pa ni Pastor Quiboloy ang sampung utos ng Diyos. Ang masasabi ko lang diyan, bakit Senado ang mag-aadjust sa kanya?” saad ni Hontiveros, na siyang namumuno sa Senate committee on women, children, family relations and gender equality.

“The Senate will not bend its rules and procedures for you, Pastor Quiboloy, even if you are, as you say, [the] appointed son of God. Hindi kami para utusan mo,” dagdag pa ng mambabatas.

Kabilang din umano sa mga kondisyon ni Quiboloy ang payagan siyang makilatis ang mga testigo. Gusto rin daw ng pastor na walang face mask o anumang takip sa mukha ang mga tetestigo laban sa kanya.

Matatandaang dinedma lang ni Quiboloy ang subpoena ng Senado laban sa kanya. Diin ng pastor, haharap lamang siya sa pagdinig kung ang kaso ay inihain sa korte.