Hontiveros marami pang bala vs Pastor Quiboloy

Hindi pa nauubusan ng bala si Senadora Risa Hontiveros laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

Hindi pa nauubusan ng bala si Senadora Risa Hontiveros laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Pastor Apollo Quiboloy.

Ngayong Martes, inihayag ni Hontiveros na may mga gusto pang tumestigo laban kay Quiboloy.

“Our Senate committee, will continue to prepare for our next hearing. May mga victim-survivors pa na gustong magsalita at obligasyon ng aming kumite na bigyan sila ng espasyo sa ating Senado,” wika ng mambabatas.

Si Hontiveros ang namumuno sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na siyang tumututok sa mga reklamo ng pang-aabuso laban sa pastor.

Bukod pa rito, naihain na umano ng senadora ang komento kontra sa petisyon ng kampo ni Quiboloy sa Supreme Court. Matatandaang ipinag-utos ng SC sa Senado na ipaliwanag ang inilabas nilang warrant of arrest laban sa KOJC leader.

“It is now in the SC’s hands for deliberation. Tiwala ako na mananaig ang patas at makatarungnang paghatol ng aking Korte Suprema,” ani Hontiveros.

Hanggang sa ngayon ay ‘di pa rin matunton ang kinaroroonan ni Quiboloy, na pinapaaresto na rin ng ilang korte sa bansa.