Hontiveros gusto talupan secret Duterte-China deal sa Senado

Nais ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ang umano'y 'gentleman's agreement' sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China.

Nais ni Senator Risa Hontiveros na imbestigahan ang umano’y ‘gentleman’s agreement’ sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng China.

Binansagan ni Hontiveros na ‘treasonous’ o pagtataksil ang naturan agreement, at nababahala ang mambabatas na humantong ito sa lalo pang pangingialam ng China sa mga resupply missions ng Pilipinas sa Ayungin Shoal.

“Kung totoo ang kasunduan, mukhang isinuko nga ni Duterte ang teritoryo ng Pilipinas,” dagdag pa niya.

Sa inihaing Senate Resolution No. 982, maituturing na “act of treason” ang tila pagsuko ng dating administrasyon sa soberanya ng Pilipinas tulad ng sinabi ni dating Philippine Navy flag officer-in-command Eduardo Santos.

Binigyang-diin din ng resolusyon ang mga pahayag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na itinanggi ang pagkakaroon ng nasabing kasunduan.

Ayon kay Malaya, dapat ipaliwanag ni Atty. Harry Roque na siyang nagbunyag ng agreement ang kaniyang mga pahayag na may kaugnayan sa pambansang seguridad.

“Pati pambansang seguridad natin nalagay sa pahamak dahil sa walang-dangal na ‘gentleman’s agreement’ na yan. China is already all around us – sa telecoms, sa national grid, sa karagatan – at mas lalo lang pinalakas ni Duterte ang Tsina sa kasunduang di umanong pinasukan niya,” saad ni Hontiveros.

“It is our duty to fortify the BRP Sierra Madre. Without it on Ayungin, we effectively give way for China to illegally occupy what is ours. If we stop reinforcing the Sierra Madre, we not only lose a crucial, strategic outpost, but also fail to defend our sovereignty,” lahad pa ng senadora.