Hontiveros: Duterte posibleng ipatawag sa imbestigasyon kay Quiboloy

May tsansang ipatawag si ex-President Rodrigo Duterte sa hearing ng Senado ukol sa yaman ni Pastor Apollo Quiboloy.

May tsansang ipatawag si ex-President Rodrigo Duterte sa hearing ng Senado ukol sa yaman ni Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, sa ngayon ay wala pang desisyon kung iimbitahan nila sa Senado si Duterte kahit lumutang na ang pangalan nito mula sa isang testigo.

Matatandaan na isang alyas ‘Rene’, na dating miyembro ng Kingdom of Jesus Christ, ang nagsabi na may mga kinuha umanong baril si Digong at anak nitong si Vice President Sara Duterte sa Glory Mountain ni Quiboloy.

“Hindi pa namin na-desisyonan na tawagin si Duterte para mag-resource person kahit pagkatapos ng testimonya ni alyas Rene tungkol doon sa mga sako ng iba’t ibang klaseng baril, nung siya at si VP ngayon ay dumalaw doon sa mountain ni Quiboloy,” lahad ni Hontiveros.

Ngunit paliwanag ni Hontiveros, kung kakailanganin paharapin din si Duterte sa imbestigasyon kay Quiboloy ay gagawin niya ito.

“Kung may lumabas pa na testimonya, halimbawa nga doon sa usapin ng money matters, business matters ni Quiboloy, na kakailanganing imbitahin din siya para mag-testimonya, then gagawin po namin iyon,” saad ng mambabatas.

Matatandaan na si Duterte ang ginawang administrator ni Quiboloy para sa kanyang mga ari-arian.