Hindi siguro sila ang pag-asa ng bayan: Grupo ng kabataan sa Caloocan, nagrambulan, nagbarilan sa pagsalubong sa 2024

Bangayan, suntukan, habulan, at barilan ang ginawang pagsalubong sa Bagong Taon ng dalawang magkalabang grupo sa Bagong Barrio, Caloocan City. Kasama pa sa gulo ang dalawang menor de edad.

Dalawang magkalabang grupo ng kabataan sa Bagong Barrio sa Caloocan City ang nagrambulan sa pagsisimula ng 2024.

Ayon sa mga opisyal ng barangay at pulis Caloocan, kinumpronta ng grupo ni Jasper Querol, isang tricycle driver, ang kalaban nitong grup sa Barangay 153 dahil binugbog diumano nito ang isang miyembro ng una.

Dito na nagsuntukan at naghabulan ang dalawang “gang” kuno.

“Ang sabi nung biktima natin, kaya sila pumunta dun dahil itong grupo na to, itong isa sa mga naaresto natin, meron pinalo dun sa grupo na ‘yun kaya sila napasugod,” kwento ni Police Captain Julius Villafuerte, hepe ng Caloocan Philippine National Police (PNP) substation 5.

Umabot sa Cavite at Batangas alley ang rambol ng dalawang grupo, na nauwi pa sa barilan.

Arestado ang ilan sa mga miyembro ng dalawang grupo, kabilang na ang isang 19-anyos na teenager at isang menor de edad. Pareho silang makakaharap sa kasong paglabag sa Article 252 ng Revised Penal Code (Physical injuries inflicted in tumultuous affray) at frustrated homicide.

Pinaghahanap pa ang ibang kasama sa nasabing rambol.