Hindi pa humuhupa sa ibang lugar: 2 patay, higit 300k katao, apektado ng matinding pagbaha

Ang dalawang nasawi ay sinasabing pawang taga Region 8, subalit hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan nila.

Dalawa na ang naiulat na namatay habang highit 300,000 katao na ang naapektuhan sa matinding pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Timog Luzon, Visayas, at Mindanao.

Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, Nobyembre 22, ang tinatawag na shear line at isang low-pressure area ay nagdulot ng walang humpay na ulan sa Calabarzon (Region 4A), Bicol Region (Region 5), Western Visayas (Region 6), Eastern Visayas (Region 8), at Caraga (Region 13).

Ang pag-ulang ito naman ang nagdulot ng matinding baha sa mga nasabing lugar.

Ang dalawang nasawi ay sinasabing pawang taga Region 8, subalit hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan nila dahil bineberipika ma ng mga awtoridad.

Sinabi naman ni Office of Civil Defense Region 8 (OCD-8) Director Lord Torracadio na hindi pa tapos ang kalbaryo ng ibang residente dahil hindi pa humuhupa ang baha.

“As of this time, mayroon pong mga areas na bumaba na ‘yung tubig but this is still being monitored because although there is light rain na lang this morning, kagabi po malakas pa ‘yung ulan sa Northern,” aniya. “Mayroon pa rin pong lugar na matataas ‘yung tubig especially dito sa mga catch basin natin like Jipapad and Arteche.”

Kaugnay niyan ay tumutulong na sa search and rescue ang Philippine Coast Guard, samantalang nagbigay na ang NDRMMC na P3.39 milyong halaga ng relief assistance sa mga nasalanta.