Hindi nadaan sa ‘Tabi-tabi po!’ Lalaki, patay matapos tuklawin ng kobra habang jumijingle; kapatid nito, rumibanse sa galit

Ayon sa ina ng biktimang si Ar Bungay, 27, umiihi lamang ito sa labas ng bahay nang tuklawin ito ng isang kobra, na patay naman nang paghahampasin ng kapatid na babae ni Bungay kahit pa nahuli na ito ng snake hunter.

Tila amanos na ang isang kobra at isang babae sa Paniqui, Tarlac matapos patayin nang huli ang una, na hinihinalang dahilan sa pagkamatay ng kapatid na lalaki ng naturang babae.

Ayon sa ina ng biktimang si Ar Bungay, 27, umiihi lamang ito sa labas ng bahay nang tuklawin ito ng isang kobra sa may paanan. Sinubukan pa aniyang paduguin ni Bungay ang kaniyang sugat sa pagtatali nito bago isugod sa ospital.

Sa kasamaang palad ay binawian rin siya ng buhay.

Nahuli naman ang nasabing kobra sa tulong ng snake hunter na si Rex Mallari, na tinawag ng pamilya Bungay upang hulihin ang kobra.

Hinuha ni Mallari, maaaring galing sa bukid na malapit lang sa tirahan ng mga Bungay.

Pero hindi nakaligtas ang kobrang isinilid ni Mallari sa sako nang pagbabatuhin ito at paghahampasin ng kapatid na babae ni Bungay dahil na rin sa galit.

Maaaring makaharap ang babae sa paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act 2001, dahil ipinagbabawal nito ang pagpatay sa kahit anong wild animal gaya ng kobra.