Hindi na dapat payagan bumiyahe ‘yan! Abusadong drayber ng taxi, inireklamo ng pasaherong buntis

Natukoy na ng Department of Transportation ang abusadong drayber, pati na rin ang operator na minamaneho nitong taxi. Makikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa pagsasampa ng karapatang kaso.

Pormal nang inireklamo ng isang 31-anyos na buntis ang isang abusadong drayber ng taxi.

Nag-ugat ang reklamo ng babae sa isang insidente noong Huwebes ng umaga, Enero 11, nang papunta umano ito sa isa niyang kliyente sa The Columbia Tower sa Ortigas Avenue.

“Pagsakay ko kasi, this is official business, hihingian ko sana ng receipt kahit na P60 lang as proof that I went to the client kasi ‘yun ang protocol sa office. So, ngayon sabi ko kuya pwede po ba pa-open ng metro, tapos para siyang nainis, sabi niya wala akong resibo, sabi niyang ganon,” kwento ng biktima. “T’saka alam mo naman kung magkano ang binabayad mo doon sabi niya sa akin.”

“Sabi ko, ‘Kuya, open mo lang kasi pipicturan ko.’ Tapos parang kinabig noong taxi na parang ibaba niya ako, pero di niya ako binaba. Tapos nung nasa stop light na kami sa EDSA Ortigas avenue extension ay sa EDSA intersection ng Ortigas sabi niya, dapat hindi ka don sumasakay,” sabi pa niya.

Dito na aniya humarurot ang taxi, at bigla umano pa itong pumreno.

Tiyempo namang may mga pulis at enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa lugar, at dito humingi ng tulong ang biktima.

Pinayuhan naman siya ng MMDA na magreklamo sa opisina ng Department of Transportation, na sakto namang nasa gusaling pupuntahan niya.

Sinabi naman ng DOTr na tukoy na nila ang abusadong drayber, pati na rin ang operator na minamaneho nitong taxi. Makikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa pagsasampa ng karapatang kaso.