Hindi na dapat patagalin yan sa serbisyo: Pulis na nagpapaputok ng baril sa restobar, pinaiimbestigahan na ng DILG

May kaso pa ang suspek na hit-and-run noong nakaraang taon na kumitil sa buhay ng isang tricycle driver. Umano’y nirekomenda na ng Quezon City Government ang pagsibak sa opisyal na pulis.

Inatasan na ni Interior Secretary Benhur Abalos ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang opisyal nitong nagpaputok diumano ng baril sa harap ng isang restobar sa Quezon City.

Ang tinutukoy ni Abalos ay si Lt. Col. Mark Julio Abong ng PNP Legal Service, na siya namang naaresto matapos ang insidente sa Barangay Laging Handa.

“I condemn in the strongest terms actions and omissions committed by public servants, especially members of law enforcement agencies, that are violating laws and policies. Law-breaking policemen have no place in the PNP,” saad ni Abalos.

Ang siste, dapat palang wala na sa serbisyo si Abong simula pa noong Marso 31, nang hatulan ito ng People’s Law Enforcement Board of Quezon City ng dismissal. Ito ay matapos masangkot sa isang hit-and-run si Abong noong Agosto 2022.

Binawian naman ng buhay ang tricycle driver na nabangga niya.