Hindi magkukulang ‘yan: Suplay ng pagkain, sapat hanggang Pasko—DA official

Walang inaasahan anumang shortage ng produktong agrikultural and Department of Agriculture ngayon taon dahil sapat pa ang suplay hanggang Pasko.

Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na hindi magkukulang ang supply ng pagkain sa darating na Kapaskuhan.

Ayon kay Assistant Secretary Arnel de Mesa, tagapagsalita ng DA, ang mga pangunahing kalakal pang-agrikultura tulad bigas, baboy,asukal at manok ay may sapat na supply hanggang sa katapusan ng taon.

Para sa bigas, sinabi ni De Mesa na nakatakdang maabot ng bansa ang pinakamataas na produksyon na 20 milyon tonelada dahil sa magandang kondisyon ng panahon.

Sa baboy at manok naman ay sinigurado ng mga lokal at banyagang supplier na matutugunan nila ang pangangailangan ngayong holiday season.

Sinabi rin ni De Mesa na ang bagong Agriculture Secretary na si Francisco Tiu Laurel Jr. ay pormal nang magbibigay bukas ng kanyang mga utos sa DA.

Inutusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Laurel na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng mga produktong agrikultural sa bansa.