‘Hindi kayo nag-iisa!’ PBBM tiniyak ang suporta ng gobyerno sa Wescom

Buong-buo ang suporta ng pamahalaan sa Western Command (Wescom) ng Sandatahang Lakas.

Buong-buo ang suporta ng pamahalaan sa Western Command (Wescom) ng Sandatahang Lakas.

Iyan ang tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes sa isang pagpupulong kasama ang tropang Wescom sa Lawak Gymnasium ng Camp General Artemio Ricarte sa Puerto Princesa City, Palawan.

Ang Wescom ay naatasang mapanatili ang kapayapaan sa West Philippine Sea, at tiniyak ng pangulo na tutumbasan ng kanyang administrasyon ang kanilang serbisyo at sakripisyo para sa bayan. Isa sa mga hakbangin ng pamahalaan, ani Marcos, ay ang gawing moderno ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

“Nandito po ang inyong Pangulo na sinasabi sa inyo na ang civilian government ay nasa likod na ninyo… Upang [maging] maganda ang inyong trabaho ay gagawin natin at ipagpatuloy natin ang modernization ng AFP, ang pagkakaibigan sa iba’t ibang bansa sa Asya, sa Southeast Asia,” pagtitiyak ni Pangulong Marcos.

Pinuri rin ng pangulo, na siya ring Commander in Chief ng AFP, ang pangunguna ng Wescom sa pag-apula sa mga tensyon sa WPS.

“Kahit papaano, doon sa maliit nating presence, in comparison doon sa mga ibang nakakatagpo natin doon sa West Philippine Sea ay kahit na maliit lang ang na-ihaharap natin na puwersa ay maganda naman ang nagiging resulta,” dagdag pa ng pangulo.

Samantala, tiniyak naman ng Wescom kay Pangulong Marcos na pag-iigtingin pa nila ang kanilang pagbabantay sa mga teritoryo ng bansa sa WPS.