‘Hindi ito Asiong Aksaya:’ Libreng college education ipinagtanggol ng CHED

Pinabulaanan ng CHED ang mga parating ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na malaking aksaya lamang ang ibinibigay na free college education ng pamahalaan.

Mariing pinabulaanan ng Commission on Higher Education (CHED) ang pagtatasa ni Department of Finance Secretary Benjamin Diokno na malaking aksaya lamang ang ipinapatupad ng pamahalaan na libreng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo.

Ayon kay CHED chairman Prospero de Vera III, ang libreng college tuition program ng ahensya ay hindi pagsasayang ng pondo ng estado dahil nakatutulong ito sa pinakamahihirap na pamilya na mapag-aral ang kanilang mga anak sa kolehiyo at makapagtapos.

“Shouldn’t the government provide poor students with the capability to continue schooling?” tanong ni de Vera hinggil sa mga parating ni Diokno kamakailan lamang.

Hindi rin pabor si de Vera at ang CHED sa panukalang nationwide testing ni Diokno kung saan sasalain nito diumano ang mga benepisyaryo ng libreng tuition sa kolehiyo.

Aniya, ang nasabing mekanismo na katulad ng sa admissions test ng Unibersidad ng Pilipinas ay magiging mapahamak pa dahil bibigyan ito ng pagkakataon ang mga mag-aaral mula sa mayayaman na pamilya ng undue advantage.

Mariin ding binigyang-diin ni de Vera na responsibilidad ng CHED na bigyan ng de-kalidad na edukasyon ang mga maralitang Pilipino, kung kaya’t hindi ito pabor sa mga panukala ni Diokno.