Hindi estetik ang sabit? Pag-sabit sa jeep, ipagbabawal na sa buong Maynila

“Hindi magandang tingnan lalo na sa highly-urbanized city” ang pagsabit sa jeep, ayon sa konsehal na nagsulong sa batas na nagbabawal sa pagsabit sa mga jeep sa Lungsod ng Maynila.

Pumasa na sa ikatlo at huling pagbasa ang ordinansang nagbabawal sa mga pasahero na jeep na sumabit sa buong Lungsod ng Maynila.

Pinagtibay ng Manila City Council ang City Ordinance No. 8545, na nagbabawal sa mga pasahero na sumabit sa mga jeep at pampublikong sasakyan. Mahaharap sa mga multa ang driver, pasahero, at maging ang mga kundoktor na mahuhuli.

Nagpasalamat si Councilor Martin Isidro Jr., principal author ng ordinansa, sa kanyang mga kasamahang sumuporta sa panukalang batas, na dadalhin na sa tanggapan ni Manila Mayor Honey Lacuna para lagdaan.

“Hindi magandang tingnan lalo na sa highly-urbanized city…’yun po talaga ang aming concern, ‘yung safety and security of the passengers. Especially, the students,” ani Isidro.

Ipatutupad ang batas 15 araw matapos ito ipalimbag.

Pagbabayarin ng multa ang mga mahuhuling lalabag sa ordinansa ng P500 para sa first offense, P1,500 para sa second offense, at P3,000 para sa third offense.